Kumpyansa si Presidential Spokesman Harry Roque na magiging ganap na batas ang Philippine Identification System Act of 2018 bago mag Hunyo.
Ayon kay Roque , naniniwala siya na aaprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil suportado nito ang panukala at malakas ang pangangailangan na magkaroon ng National ID system sa bansa.
Bukod dito, sinabi ni Roque na nakapaloob na rin sa 2018 national budget ang dalawang bilyong Piso na inilaan para sa National ID system.
Gayunman, sinabi ni Roque na wala pa sa lamesa ng Pangulo ang panukala dahil dadaan pa ito sa bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte, na malaki ang maitutulong ng National ID system lalo na sa mga transaksyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.