Pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)ang publiko na magsasagawa ng swimming ngayong papalapit na tag-init na ugaliin ang ibayong pag-iingat.
Ito’y dahil sa drowning o pagkalunod ang nangungunang sanhi ng pagkamatay na sinundan naman ng aksidente sa kalsada tuwing sumasapit ang panahon ng bakasyon lalo na tuwing Semana Santa o Holy Week.
Batay sa datos ng NDRRMC, tinatayang aabot sa 59 ang naitalang kaso ng pagkalunod habang nasa 33 naman ang naitalang aksidente sa kalsada mula nuong 2013 hanggang 2016.
Karaniwang nangyayari sa mga dalampasigan o beach ang mga kaso ng pagkalunod na sinundan naman ng mga ilog at karaniwang lango sa alak ang mga nagiging biktima nito.
Dahil dito, umapela naman ang Philippine Red Cross (PRC)sa mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga life guards sa mga pampublikong paliguan tulad ng mga ilog, dagat at mga swimming pool.