Ikinatuwa ni Supreme Court Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno ang mga hakbang na humihiling sa Korte Suprema na ibasura ang Quo Warranto petition na inihain laban sa kaniya ng Office of the Solicitor General (OSG).
Ginawa ni Sereno ang pahayag nang humarap siya sa isang women’s rights forum sa University of the Philippines (UP) kung saan, sinabi rin nito ang paniniwala niyang may malakas at malaking makinaryang pinagagana para siraan siya.
Kahapon, hiniling sa High Tribunal ng Makabayan Bloc sa Kamara na ibasura ang inihaing petisyon ni Solicitor General Jose Calida sa paniniwalang labag ito sa Saligang Batas.
Ayon kay Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate, kaisa sila sa paniniwalang impeachment lamang ang maaaring makapagpatalsik kay Sereno sa puwesto dahil iyon aniya ang siyang nakasaad sa konstitusyon.
Nangangamba rin si Zarate na maging daan aniya ang naturang petisyon para mapaalis ang mga impeachable officials kabilang na ang mga mahistrado kung hindi sila sasang-ayon sa kagustuhan ng mga nasa administrasyon.
—-