Hawak na ngayon ng PNP-CIDG o Criminal Investigation and Detection Group ang may-ari ng Dimple Star Bus na si Hilbert Napat makaraan siyang ipa-aresto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kagabi, personal na nagtungo si Napat sa tanggapan ng CIDG sa kampo crame kasama ang kaniyang mga abogado gayundin ang kaniyang pamilya.
Magugunitang maliban sa pagpapa-aresto, pinakakansela na rin ng pangulo ang prangkisa ng Dimple Star makaraang masangkot ito sa panibagong trahedya sa Occidental Mindoro.
“I’am ordering all the bus….. Grounded. Kasi itong kompanya na ito, mukhang pera. Pinahuli ko na yung p***** may ari nito.”
Batay sa tala ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, aabot na sa 24 ang bilang ng mga nasawi habang mahigit isandaan naman ang nasugatan sa mga kinasasangkutan nitong aksidente mula pa noong 2011.
Kasunod nito, ipinasusuri rin ng pangulo ang katawan ng nasawing driver ng nahulog na bus para mabatid kung ito’y gumagamit ng iligal na droga bilang panlaban sa antok habang bumibyahe
“Ang sabi ko dito sa pulis, buksan niyo yung katawan tapos tingnan niyo kung may mga iligal.”