Hinimok ng Malakanyang ang publiko na makibahagi sa earth hour na isasagawa mamayang gabi.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang simpleng pagpatay lamang ng mga ilaw sa loob ng isang oras ay maituturing na malaking tulong para maibsan ang epekto ng global warming.
Iginiit ni Roque, isa sa prayoridad ng pangulo ang pagbibigay proteksyon sa kalikasan lalo’t kabilang ang Pilipinas sa natukoy na pinaka-bantad sa epekto ng climate change.
Dagdag ni Roque, ang pakikibahagi ng Pilipinas sa nasabing aktibidad ay nagsisimbolo ng pangako ng bansa na makiisa sa pagsagip ng mundo mula sa tuluyang pagkasira nito.
Inaasahan namang isang oras na magdidilim sa malaking bahagi ng bansa simula alas 8:30 hanggang 9:30 mamayang gabi bilang pakikiisa sa earth hour kung saan ang main event sa Pilipinas ay sa Cultural Center of the Philippines.