Hinimok ng Malacañang ang publiko na manatiling mapagmatiyag at makipagtulungan sa mga awtoridad para matiyak ang seguridad ng lahat ngayong Semana Santa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda ang pamahalaan para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao ngayong Holy Week gayunman kinakailangang gawin din ng publiko ang kanilang parte para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Pagtitiyak pa ni Roque, bagama’t walang natatanggap na anumang banta ang pamahalaan ngayong Semana Santa, ay nananatili pa ring nakaalerto ang mga awtoridad.
Bilang paghahanda, sinabi ni Roque na nagpakalat na ng mga karagdagang tauhan ng militar at pulisya sa mga lugar na inaasahang dagsa ang mga tao tulad sa terminal, simbahan at mga mall.
Peace and order
Pinaigting ng Department of Interior and Local Government o DILG ang kampanya sa pagkakaroon ng “peace and order’ sa paggunita sa bansa ng Semana Santa.
Ayon kay DILG-OIC Eduardo Año, bilang hakbang sa mapayapa at maayos na isang linggong aktibidad ng Mahal na Araw ay naglabas ang ahensya ng direktiba sa sa mga local government units o LGUs.
Sinabi ni Año na hinihimok ng naturang direktiba ang mga lokal na opisyal na paganahin na paganahin ang peace and order councils sa kanilang nasasakupan.
Kasama na rin dito aniya ang pagbabantay sa mga lugar na dinadagsa ng mga tao tuwing Semana Santa bukod sa simbahan.
Mahalaga rin umano ang kahandaan ng emergency response units ng mga lokal na pamahalaan at traffic management bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga tao.
By Jennelyn Valencia