Nagka-aberya muli ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kaninang pasado alas-8:00 ng umaga.
Ayon sa Department of Transportation o DOTr nagkaroon ng technical problem sa Cubao Station southbound na maituturing na Category 3.
Nangangahulugan itong inalis ang apektadong tren ng walang kapalit at kinansela na rin ang loop at insertion.
Humingi naman ng paumanhin ang MRT management sa mga naapektuhang pasahero.
PNR
Bahagya namang naantala ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) kaninang mag-aalas-6:00 ng umaga.
Ipinabatid ni PNR Spokesperson Joseine Geronimo na galing Mamatid, Laguna ang tren at patungong Tutuban nang biglang bumukas ang tatlong pinto nito sa bahagi ng Biñan.
Halos 200 pasahero ang apektado na kaagad pinababa makalipas ang ilang minuto.
Lumipat na lamang sa kasunod na tren ang ilang pasahero samantalang naghanap ng ibang masasakyan ang iba pang apektadong pasahero lalo’t rush hour.
Kaagad diniretso sa Alabang ang nasirang tren at kinukumpuni na.
—-