Pagsasakripisyo, panalangin at pagbibigay.
Ito ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang tatlong susi sa panahon ng Kuwaresma na pinakikilos at ginagawang posible sa pamamagitan ng pagmamahal.
Dakilang pagmamahal na ipinakita ni Hesu Kristo sa pagbibigay at pagsasakripisyo ng kanyang sariling buhay para tubusin ang sanlibutan sa mga kasalanan.
Sa panahong ito, pinag-iisa rin ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng panalangin—panalangin sa katahimikan at kapanatagan, kung saan nabubura ang distansiya natin sa Panginoon at nararamdaman ang kanyang presensya.
Panahon din ito ng pagbibigay—pagbibigay na walang hinihintay na kapalit, at pagbibigay na hindi makasarili.
Panghihikayat ng CBCP, punuin ng pagmamahal ang pagdiriwang at paggunita sa mga Mahal na Araw.
“Yan ang pinakatuktok ng pananampalayatang Kristiyano na batay sa banal na kasulatan, kung paano ginugunita ng gawang pagliligtas ng ipinangakong Mesias na naganap sa pagdating ng Panginoong Hesukristo.”
‘Mga banal at mahal na araw o Semana Santa’
Linggo ng Palaspas o Palm Sunday ang paggunita sa matagumpay na pagpasok ni Hesu Kristo sa Jerusalem.
Ayon kay Father Chito Dimaranan, President/Rector ng Don Bosco Technological College, masaya ang unang bahagi ng pagdiriwang ng Semana Santa sa araw na ito.
“Ang palaspas ay isang simbolo ng tagumpay, kapayapaan, kung kaya kapag nananalo sa patimpalak noong panahon ng Panginoong Hesukristo, ang ibinibigay ay palm branch na tanda ng tagumpay. Dito ginugunita ang matagumpay na pagpasok ng inaasahang Mesias na tagapaligtas, nag-prusisyon ang mga tao na may tangang palaspas.”
Sinabi ni Fr. Dimaranan na mahalagang maisa-isip, maisabuhay at gawing makatotohanan ng bawat Kristiyano ang paggunita sa kabuuan o fulfillment ng ganap na pagliligtas ng Paginoong Hesu Kristo sa sangkatauhan.
“Sa Linggo ng Palaspas may tangan tayong mga palaspas, ating gugunitain na tayo’y sumasalubong sa pinangakong Mesias, pero tayo rin mismo ay nanganganib na magtatuwa sa kanya, sa una ang sigaw natin ay “Hosanna” baka maya-maya ang sigaw natin ay “Ipako siya sa krus”. Sa isang banda, hindi naman masamang isipin na tayo bilang mga Kristiyano na kahit pa naniniwala sa kanya ay puwede tayong magtaksil sa kanya sa buhay natin ng paulit-ulit, sapagkat tayo’y nagkakasala.”
Pagbabahagi ng Fr. Dimaranan, magtatapos sa Huwebes Santo ang 40-araw ng paghahanda para sa Kuwaresma na nagsimula noong Miercoles de Ceniza o Ash Wednesday.
“Sa gabi ng Huwebes Santo, ‘yan ang simula ng tinatawag nating ‘Paschal Triduum’, kapag sinabi nating Triduum ang root word niyan ay three, tatlong araw ‘yan, mula sa Mass of the Lord’s Supper sa gabi ng Holy Thursday at kapag nagsimula ‘yan parang walang patid na pagdiriwang at pagdarasal ‘yan hanggang gabi ng Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday. Pagkatapos ng misa ng Lord Supper nariyan ang paglalagay ng santisimo sa tinatawag nating Altar of Repose na nagugunita naman sa oras ng pagbabantay sa Halamanan ng Gethsemane kaya tayo nagvi-Visita Iglesia, parang pakikibahagi natin sa pagbabantay kasama ni Hesus na nagdurusa sa Halamanan ng Gethsemane.”
Visita Iglesia
Ang Visita Iglesia ay isang nakagawiang paraan ng mga Katolikong mananampalataya para gunitain at isabuhay ang panahon ng Kuwaresma o Mahal na Araw.
Ito ay ang pagbisita at pagdarasal sa hanggang pitong (7) iba-ibang simbahan na isinasagawa tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo bilang pakikiisa at pagbibigay parangal sa naging sakripisyo ni Hesu Kristo.
Nagsimula ang Visita Iglesia sa Pilipinas noong 1950 na dinala ng mga Augustinian missionaries sa bansa.
Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, hindi naging madali ang Visita Iglesia sa Pilipinas, dahil na rin sa kakulangan ng simbahan at malalayong distansya ng mga ito.
Ngunit sa pagdaan ng panahon at pagkakaroon ng maayos na transportasyon ay naging posible at mas madali na ang pagbisita sa mga simbahan.
Ang Maynila ang unang naging sentro ng Visita Iglesia sa bansa dahil sa 7 malalaking simbahan sa Intramuros noon.
Ngunit dahil sa giyera, ang tinaguriang Battle of Manila noong World War II ay nasira at hindi na naayos ang 5 sa pitong simbahan sa Intramuros.
Tanging ang San Agustin Church at Manila Cathedral ang nananatiling nakatayo hanggang sa ngayon.
Ayon kay Father Erick Santos, Director ng Catholic Charismatic Renewal Ministries ng Archdiocese Manila, ang Visita Iglesia ay isang tugon sa Panginoon na nagdamdam sa mga apostol noong unang Huwebes Santo kung kailan habang nananalangin si Hesus sa Hardin ng Gethsemane ay inanyayahan niya na samahan siya ng mga apostol ngunit natulog lamang ang mga ito.
Kaya aniya kapag ginagawa ang Visita Iglesia ay naglalaan ang isang mananampalataya ng oras para manalangin bilang pagbabayad puri sa naging pagkukulang kay Hesus sa unang Huwebes Santo.
Binigyang diin ni Father Santos na ang Visita Iglesia ay para sa pananalangin at para tugunan ang hiling ng Panginoon na samahan siya.
Sinabi ni Father Santos na ito rin ang tamang panahon para masabi sa Panginoon na, “Lord sasamahan kita… at Lord, andito lang ako.”
Kasabay nito ay hinimok ni Father Santos ang mga mananampalataya na isabuhay at isapuso ang kagustuhang makapiling ang Panginoon…aniya dapat malaman ng bawat isa na ang Visita Iglesia ay hindi lamang katuwaan kung hindi panahon para makapagnilay sa mga naging sakripisyo ni Hesu Kristo.
‘Sakripisyo at Panata’
Tinatawag na ‘popular religiosity’, sinabi ni Father Chito Dimaranan, President/ Rector ng Don Bosco Technical College na ang pagpapapako sa krus at iba pang uri ng pagpipinetensya ay hindi na kinakailangang gawin ng isang mananampalataya sa pagdiriwang ng Mahal na Araw.
“Kung ano ang dapat gawin ng isang Katoliko ay masasagot na ng lahat ng pagdiriwang sa tatlong araw na iyon (gabi ng Holy Thursday hanggang gabi ng Easter Sunday), kung gusto nating gunitain at makisama, re-enactment, relieving at participating in the passion, death and resurrection of the Lord, sapat na na ating isabuhay ‘yan sa mga magaganap sa simbahan sa loob ng tatlong araw na ‘yun. Kaya ang pagpapapako sa krus ay medyo kalabisan na ‘yan, drama na kumbaga.”
Ayon kay Father Dimaranan, pinakamahalaga pa rin na namnamin at damhin ang pinagdaanan ng Panginoong Hesu Kristo sa mga nasabing banal na araw.
“Sa pagpasok ng Holy Thursday ay makisama na tayo sa Mass of the Lord’s Supper at sumamba sa Santisimo sa pagbabantay ng magdamagan, sa Biyernes Santo diyan naman tayo makikisama sa paghihirap ng Panginoon sa pagdarasal ng ‘daan ng krus’.”
Aniya maraming Katoliko ang nagkakamali na isinasagawa ang ‘daan ng krus’ tuwing Huwebes Santo.
“Ang Huwebes Santo ay masayang araw, sapagkat paggunita ‘yan sa pagtatatag ng Panginoon sa dalawang sakramento: ang pagpapari at eukaristiya. Kaya mali na sa gabi ng Huwebes Santo ay magdaan ng krus…ang daan ng krus ay sa Biyernes Santo pa.”
Kasabay nito ay nagpahayag din ng pagkalungkot si Father Dimaranan dahil aniya sa panahon ngayon ay tila nawawala na ang solemnidad ng pagdiriwang ng Semana Santa.
Binigyang diin ni Father Dimaranan na mahalagang maipa-alala ang mga pinagdaanan ni Hesus upang pagsikapan ng bawat isa na tularan ang mga aral nito at isabuhay sa araw-araw.
“Sa mundong ito na napapalibutan tayo ng internet ay parang nawawala na ang solemnidad ng Mahal na Araw dahil lahat ay available na, entertainment ang hanap ng mga millennial, gimik, na hindi na nasanay na gawing banal ang mga Mahal na Araw, dahil din sa social media, mahalagang ipaalala na kahit ilang araw sa isang taon ay ating pag-gugulan ng panahon ang pinagdaanan ng Panginoon upang matularan natin, makibahagi at maranasan din natin sa buhay natin.”
“Tandaan natin na ang puno’t dulo ng lahat ay ang muling pagkabuhay ng Panginoon na sana pagsikapan nating madama na tayo ay nagbabago at mabubuhay kasama ang Panginoon.”
—Sa panulat ni Aiza Rendon