Kinatigan ng Korte Suprema ang inihaing Motion for Reconsideration ng kumpaniyang Philippine Airlines (PAL) na isinagawa nitong retrenchment o malawakang sibakan sa mga empleyado nito.
Sa isinagawang Supreme Court En Banc, pitong mahistrado ang bumoto pabor na baliktarin ang naunang desisyon ng third division ng high tribunal na pabalikin ang mahigit isanlibong sinibak na empleyado habang dalawa lamang ang kumontra rito.
Kumbinsido ang mga mahistrado na valid o nakasalig sa umiiral na labor code ang ginawang retrenchment ng PAL at ipinatupad ito in good faith dahil nakaranas umano ng pagkalugi ang flag carrier sa gitna na rin ng krisis pang-ekonomiya sa Asya nuong taong 1998.
Iginiit din sa desisyon na naging patas at makatuwiran ang naging desisyon ng PAL na piliin ang mga empleyado na isasama nila sa retrenchment batay na rin sa umiiral na Collective Bargaining Agreement (CBA).
Mula sa nasabing bilang ng boto, limang mahistrado ang nag-inhibit naman sa kaso sa pangunguna ni Acting Chief Justice Antonio Carpio at Justices Presbiterio Velasco, Teresita Leonardo – de Castro, Mariano del Castillo at Francis Jardeleza.