Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)na hindi obligado ang mga pasahero na magbayad ng karagdagang sampung Piso para sa insurance ng mga provincial bus.
Ito’y makaraang kumalat sa social media ang larawan ng isang kumpaniya ng bus na nagpaskil ng abiso hinggil sa paniningil ng karagdagang bayad para umano sa kanilang insurance.
Ayon kay LTFRB Board Member at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) Spokesperson Atty. Aileen Lizada, posibleng maharap sa suspensyon ang sinumang mahuhuli nilang naniningil ng insurace sa kanilang mga pasahero.
Paliwanag pa ng opisyal, kasama na aniya sa binabayarang pamasahe ng mga manlalakbay ang insurance coverage ng mga bus companies kaya’t di dapat ito hiwalay na sinisingil.