Tulog at buong araw na pahinga.
Ito ay ayon kay Special Assistant to the President Bong Go ang tanging gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-73 kaarawan nito ngayong araw.
Aniya, walang birthday party at mananatili lamang sa Davao City si Pangulong Duterte kasama ang kanya pamilya at mga apo na taon-taon na aniya nitong nakagawian simula noong mayor pa lamang ito.
Dagdag ni Go, masaya na ang Pangulo na simpleng makasama lamang ang kanyang mga mahal sa buhay sa kanyang kaarawan.
Samantala, hiling naman ni Go para kay Pangulong Duterte ang mahabang buhay, malusog at malakas na pangangatawan para mas matagal pang makapaglingkod sa publiko.
Nagpaabot ng pagbati si Chinese President Xi Jinping para sa ika-73 taong kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Sa isang sulat na ipinadala ni Xi sa pamamagitan ng Chinese Embassy, kanyang binigyang diin ang naging malaking pagbabago sa relasyon ng China at Pilipinas.
Ayon kay Xi, natatamasa na ng mga Filipino at Chinese ang mga benepisyo na resulta ng nagpapatuloy at papaganda pang bilateral relations ng dalawang bansa gayundin ang pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Iginiit pa ni Xi ang kahalagahan ng lumalawak na relasyon ng China at Pilipinas at umaasang mas lalalim at tatatag pa ito sa hinaharap na magdadala ng mas marami pang benepisyo sa dalawang bansa.
Una nang sinabi ng Malacañang na sa Davao City ipinagdiriwang ni Pangulong Duterte ang kanyang kaarawan kung saan mananatili rin ito sa nasabing lungsod para naman sa paggunita ng Semana Santa.
—-