Binalaan ng pambansang pulisya ang mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak sa mga sasalihang aktibidad ngayong bakasyon.
Ito’y ayon kay PNP Spokesman C/Supt. John Bulalacao ay dahil sa mga natatanggap nilang ulat hinggil sa umano’y panghihikayat ng NPA o New People’s Army sa mga kabataan para umanib sa kanilang grupo.
Ayon kay Bulalacao, kadalasan aniyang pinapasok ng NPA ang mga school organizations para doon ipakalat ang kanilang ideyolohiya sa mga kabataan para sumali sa kanilang ipinaglalaban.
Batay aniya sa impormasyong nakarating sa kanila, sinabi ni Bulalacao na ilang mga mag-aaral na nasa kolehiyo na ang nakitang kasama ng mga rebelde sa iba’t ibang panig ng bansa na itinuturing na ring baluwarte ng mga NPA.
Kaya payo ni Bulalacao sa mga magulang, kausapin at laging makipag-ugnayan sa kanilang mga anak upang gabayan ang mga ito sa desisyong kanilang pipiliin at mapigilan sakaling naiimpluwensyahan na ng mga rebelde.