Pagpapakumbaba at pagpapatawad ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte kaalinsabay na rin ng pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Sa kaniyang Easter message, sinabi ng Pangulo na ang paggawa ng mabuti ang siyang susi aniya para maging karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos.
Muling umapela ang Pangulo sa mga Pilipino na tulungan ang kapwa lalo na iyong mga higit na nangangailangan.
Nanawagan din ang Punong Ehekutibo na ipagdasal din ang kapwa Pilipino lalo’t higit ang bansa upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan para sa pagsusulong ng ganap na pagbabago.
Pangulong Duterte, lilibot muli sa Asya ngayong Abril
Samantala, kinumpirma ng Palasyo ang magkakasunod na biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong buwan ng Abril
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, biyaheng China ang pangulo sa Abril 9 hanggang Abril 10 para daluhan ang Boao forum sa Hainan province.
Kahalintulad ng World Economic Forum sa Davos, Switzerland ang Boao forum na isa ring taunang pagtitipon ng iba’t ibang pinuno ng pamahalaan at mula sa sektor ng pagnenegosyo sa Asya.
Mula Hainan, didiretso naman ang pangulo sa Hongkong mula Abril 11 hanggang 12 kung saan, makikipag-usap ang Punong Ehekutibo sa Filipino community doon.
Samantala, mula Abril 25 hanggang 28 naman, dadalo ang Pangulo sa ika-tatlumpu’t dalawang ASEAN o Association of Southeast Asian Nation Leader’s Summit na gagawin sa Singapore.