Sunud-sunod na lindol ang naitala sa iba’t ibang panig ng mundo gayundin sa bansa nitong holy week break.
Niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang New Britain Island sa Papua New Guinea kahapon, sabado de gloria oras sa Pilipinas.
Naitala ng USGS o United States Geological Survey ang episentro ng pagyanig sa layong 162 kilometro timog silangan ng Rabul.
Tatlong magkakasunod na pagyanig naman ang naitala sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental nitong biyernes santo.
Unang naitala ang magnitude 3.5 na lindol na nasa 178 kilometro, timog ng Sarangani na may lalim na dalawang kilometro at tectonic in origin dakong 4:00 ng madaling araw.
Sinundan naman ito ng magnitude 3.3 na pagyanig 5:00 ng madaling araw sa layong 186 na kilometro sa parehong direksyon na may lalim na 119 na kilometro.
Habang ang ikatlong pagyanig ay naitala dakong 5:15 ng umaga na may lakas na magnitude 3.7 sa layong 420 kilometro timog ng Sarangani.
Samantala, niyanig din ng magnitude 3.5 na lindol ang bayan ng San Francisco sa Surigao Del Norte dakong alas 10:00 ng umaga ng biyernes santo.
Naitala ang sentro ng pagyanig sa layong apat na kilometro hilaga ng San Francisco na may lalim na anim na kilometro at tectonic in origin.
Magnitude 3.6 na lindol naman ang naitala sa bayan ng Abuyog, Leyte alas 8:00 ng umaga ng biyernes sa layong 11 kilometro hilaga ng nasabing bayan at may lalim na 12 kilometro.
Una rito, niyanig din ng magnitude 4.6 na lindol ang Eastern Samar noong huwebes santo dakong 7:00 ng umaga at may lalim na 33 kilometro.