Tiwala si Congressman Edgar Erice na tataas ang ratings ng pambato ng Liberal Party (LP) na si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
Ito ayon kay Erice ay sa sandaling ilabas ang pinakahuling quarterly survey sa mga presidentiables.
Sinabi sa DWIZ ni Erice na maaaring doble o higit pa sa 10 porsyento ang madagdag sa ratings ni Roxas.
“’Yung quarterly survey maliwanag naman po ng Pulse Asia at SWS, sa Pulse Asia po last survey na lumabas po noong July, ang nanguna po ay si Senator Poe, 30 percent, pangalawa po si VP Binay, 22 percent, tapos po si Secretary Mar ay 10 percent, sa palagay po namin ‘pag lalabas naman ‘yung quarterly survey, tingin po namin magkakaroon ng very significant increase kay Secretary Mar Roxas, ‘paglabas po ng quarterly survey papatunayan ko sa inyo na magkakaroon ng napakalaking increase, baka doble o higit pa sa 10 percent.” Ani Erice.
Survey firm
Samantala, tumanggi si Congressman Edgar Erice na ibunyag ang survey firm na kinuha nila para gamitin sa pagpaplano ng Liberal Party sa 2016 elections.
Sinabi sa DWIZ ni Erice na may kontrata sila sa naturang survey firm kaya’t inirerespeto nila ang nilalaman nito.
“Meron kaming kontrata sa survey firm sa isang reputable survey firm, na there are many questions na kailangan po namin sa aming campaign strategy, so there are about 70 questions, pero kung halimbawang ire-reveal namin ‘yung source, ‘yung pangalan nila magkakaroon sila ng karapatan na i-reveal na lahat ‘yung mga sagot, at resulta sa lahat ng mga questions, it can be a disadvantage on our part.” Pahayag ni Erice.
Gayunman, tinitiyak ni Erice na dumaan sa normal na proseso ang nasabing survey.
“Ito pong survey na ito ay scientific, nationwide, 1,200 respondents, at kung ano po ang methodology na ginagawa ng mga reputable firms ay ‘yun din po ang ginawa, and kung kinukuwestyon ang credibility, bahala na po ‘yung mga nakikinig kung maniniwala sila o hindi, in the end lalabas naman po ang quarterly survey ng mga reputable firm at palagay ko po ay mavi-vindicate kami diyan.” Giit ni Erice.
By Judith Larino | Karambola