Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa LandBank of the Philippines na humanap ng mga paraan upang mapadali ang pagtulong sa mga magsasaka nang sa gayo’y lumago at mapatatag ang sektor ng agrikultura.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte sa ceremonial distribution ng certificates of land ownership award sa isanlibo animnaraan walumpung (1,680) agrarian reform beneficiaries sa Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Pangulong Duterte, dapat pangatawanan ng LandBank ang pagiging bangko para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay access sa mga pondo para sa agricultural supplies gaya ng fertilizers, seedlings at farming equipment.
“Kapag ibinigay ko sainyo ang titulo tapos na, ‘yan ang problema that makes us weak, kasi ang una talaga is credit kailangan ‘yung bangko pupunta doon sa inyo, or atleast I’m urging the LandBank to look for ways and means na makarating kayo doon sa farmers, bangko para sa farmer and yet it has rumbled on just like a commercial bank.”
Samantala, nangako rin ang Punong Ehekutibo ng tig-isang traktora sa mga kooperatiba upang makatulong sa kanilang pagtatanim.
“’Yang pera na ‘yan bitawan na ninyo give it to the farmers, importante without credit, fertilizer, abono, seedlings lahat and maybe I will look into your finances, yung mga kooperatiba all over the Philippines mabigyan man lang ng tag-isa o dalawang traktor to till the land.” Pahayag ng Pangulong Duterte
Kasabay nito, pinapurihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magsasaka.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi maikakaila na ang sektor ng agrikultura ang nangungulelat sa ekonomiya ng bansa, kaya’t hindi titigil ang gobyerno upang i-angat ang kalidad ng pamumuhay ng mga magsasaka.
“Kayo ang idol ko and may this event renew our commitment enhancing our nations’ food and security and uplifting the lives of fellow Filipinos. Remember that I want every Filipino kung nasaan siya dapat, with or without the talks between government and communist, land reform will continue to be implemented, it will not end this way.”
Tiniyak din ni Pangulong Duterte na nananatiling naka-suporta ang pamahalaan upang maibigay ang lahat ng kailangan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga livelihood program.
—-