Welcome development para sa Malacañang ang pagsisimula ng manu-manong bilangan ng boto sa pagka-bise presidente noong 2016 elections.
Ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, daan ito para tuluyan nang malinawan ang mga bumabalot na pagdududa sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo laban kay dating Senador Bongbong Marcos.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na labas na ang ehekutibo sa anumang maging resulta ng bilangan dahil isa aniya itong ‘judicial matter’ kung saan ang Korte Suprema ang tumatayong Presidential Electoral Tribunal.
Kahapon nagsimula na ang ‘manual recount’ sa ilang balota mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental kung saan pinaniniwalaan ni dating Senador Marcos na naganap ang dayaan.
—-