Muling makikipag-usap si Pangulong Rodrigo Duterte sa National Democratic Front sa isang kondisyon.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang pagdalo sa inagurasyon ng Lisap Bridge sa Bongabong, Oriental Mindoro.
Ayon sa Punong Ehekutibo, handa niyang gastusan ang pagbabalik ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at NDF-CPP-NPA kung papayag ang mga rebelde sa isang tigil-putukan.
“Ako po’y ready I will subsidize the peace process, ako ang magbabayad ng hotel, ako ang magbabayad ng gastos ninyo at ‘yung mga tao ninyo kung ano ang naipon ‘yun na muna ang gastusin ninyo, in the meantime na kung gusto niyo talagang totohanan is you stop immediately, you and I, ceasefire tayo, ni walang isang putok maski lebentador and I will be happy.” Ani Pangulong Duterte
Kung seryoso aniya ang komunistang grupo ay dapat ding tantanan na ng NPA ang pananabotahe sa mga negosyante at maningil ng revolutionary taxes.
“If you want peace you have to invest money in peace kaya puwede tayong mag-usap, kung tawanan niyo ang revolutionary government huwag na kayong mag-sunog in the name of taxation kasi nakakaawa ang mga negosyante.” Dagdag ng Pangulo
Samantala, ipinaliwanag din ni Pangulong Duterte imposible ang hirit ng NDF-CPP-NPA na makipagsanib-puwersa o kowalisyon sa gobyerno.
“Let me be very clear on this, I cannot conceive to you, ‘yung tinatawag ninyong coalition government for the simple reason that I do not own the sovereign power of the state, it is the people, kayo mismo, kayong mga NPA hawak ninyo ‘yan, kaya tayong lahat at ang constitution at any other country for that matter, kahit saan ka magpunta, may election na talaga ngayon, hindi na panahon ng dictatorship ito, hindi na panahon ng hari.” Pahayag ng Pangulo
—-