Ipinaliwanag ng Philippine National Police (PNP) na matagal na nilang ipinatutupad ang pagbabawal sa mga nagnanais na maging pulis na may tattoo sa anumang bahagi ng katawan.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent John Bulalacao, kailangan ipabura ng mga aplikante ang kanilang mga tattoo kung nais talaga ng mga ito na makapasok sa Pambansang Pulisya.
“I-che-check sila physically ng ating health service, ang biro nga ng ating Chief PNP during his interview ay huhubaran sila ng health service, titingnan lahat kung meron silang mga markings like tattoo.” Ani Bulalacao
Ipinaliwanag ni Bulalacao na malaking disadvantage para sa mga pulis ang pagkakaroon ng tattoo lalo’t hindi na sila maaaring makapag-donate ng dugo.
Karaniwan aniyang ang PNP ang isa sa mga institusyon ng pamahalaan na hinihingan ng tulong ng medical sectors sa pagdo-donate ng dugo.
Maliban dito, hindi pa rin nawawala ang kaisipang nag-uugnay sa tattoo sa mga preso.
“Sa amin kasi it’s a taboo dahil you look as if you belong to the gangsters , ‘yung mga group ng criminal elements, traditionally ganun ang impression sa mga taong may tattoo dito sa atin, so as much as possible kung ikaw ay mag-aapply bilang pulis dito sa atin ay kailangan wala ka talagang tattoo.” Pahayag ni Bulalacao
DILG
Samantala, tinutulan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang panukalang tanggalin na ang polisiyang nagbabawal ng pagkakaroon ng tattoo sa mga pulis.
Ayon kay DILG Officer in Charge Eduardo Año, dapat na panatilihin ng Philippine National Police ang imahe nito bilang isang tagapagpatupad ng batas at salamin ng isang Pilipinong may dignidad.
Giit ni Año, makaluma man na pananaw ito para sa iba ngunit ang mga pulis ay dapat manatiling modelo para sa publiko lalong-lalo na sa mga kabataan.
Gayunman sinabi ni Año na hindi nga isang hadlang ang pagkakaroon ng tattoo para makapagbigay ng serbisyo sa publiko ngunit isa na itong impresyon na ang mga may tattoo ay nauugnay sa mga masasamang loob.
(Jennelyn Valencia/ Ratsada Balita Interview)