Nagpasya ang Commission on Elections o COMELEC na gamitin na lamang ngayong taon ang mga lumang certificate of candidacy o COC na inimprenta para sana sa ipinagpalibang barangay at Sangguniang Kabataan elections noong October 2017.
Sa kanilang memorandum, binanggit ni COMELEC Law Department Director Maria Norina Tangaro Casingal ang COMELEC Resolutions Number 10247 at 10196 na nagsasaad ng mga rules para sa pagpahahain ng COCs.
Batay aniya sa mga nasabing resolusyon, hindi na kinakailangang baguhin pa ang petsa na nakalagay sa mga gagamiting lumang official COC forms.
Gayundin ang pagbibigay awtorisasyon na gamitin para sa may 14 barangay at SK elections ang mga lumang balota na naunang inimprenta para sana sa naudlot na halalan noong nakaraang Oktubre.
Nakatakda namang simulan ang panahon ng paghahain ng COCs para sa mga nagpaplanong tumakbo sa barangay at SK elections sa Abril 14 hanggang 20.
—-