Tila ipinakikita na ni pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pagiging diktador umano nang utusan niya ang Kamara na bilisan ang pag-aakyat sa Senado ng impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes, dapat lamang umalma na rito ang lehislatura dahil sa tahasang panghihimasok at pakiki-alam ng pangulo sa gawain ng mga mambabatas.
Kung mistulang aso aniya ang Kamara sa pagiging sunud-sunuran nito sa mga kagustuhan ng Pangulo, sinabi ni Trillanes na magiging patas sila sa paggawa ng desisyon na nakabatay sa mga ilalatag na ebidensya.
Gayunman, pinatutsadahan pa ni Trillanes ang mga kapwa nito Senador na matatakutin at tiyak na agad magpapadala sa mga kagustuhan ng Pangulo anuman ang maging kahinatnan nito.
Samantala, ibinunyag din ni Trillanes ang natanggap niyang impormasyon mula sa loob ng Office of the Solicitor General na maraming pinapagawa sa kanila si Solicitor General Jose Calida kaugnay sa mga kagustuhan ng Pangulo.