Ikinatuwa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang resulta ng committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersyal na pagbili at paggamit ng dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa panayam ng DWIZ sa abogado ng VACC na si Atty. Manny Luna, sinabi nitong magandang development ang rekomendasyong sampahan ng kasong kriminal sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad at iba pang opisyal.
Patunay lang aniya ito na may batayan ang mga inihain nilang kaso sa naturang mga opisyal.
“This is really a breakthrough, ito ay makakatulong sa pagresolba nitong kasong ito na labis na nagpahirap sa damdamin ng ilang mga magulang na namatayan ng mga anak, this is one of the initial steps in the quest for justice para sa ating mamamayan.” Ani Luna
Ipinabatid ni Luna na kasalukuyang dinidinig ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kanilang isinampa laban sa mga personalidad at maging sa kumpanyang gumawa ng Dengvaxia vaccine.
“Magkakaroon kami ng second hearing where in isu-submit na namin ang lahat ng ebidensya at dokumento sa Department of Justice at kasama na riyan ‘yung mga addresses ng lahat ng mga respondent including ‘yung mga opisyales ng Sanofi Pasteur at ng Zuellig Pharma and also the addresses of former President Aquino at iba pa kasama and I’m referring to former Budget Secretary Butch Abad, former Health Secretary Janette Garin at iba pang mga kasama sa Department of Health.” Pahayag ni Luna
(Ratsada Balita Interview)