Kinukumpirma pa ng pamahalaan ang ulat na naglagay ng military jamming equipment ang China sa bahagi ng Spratly Islands sa South China Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, wala pa silang natatanggap na anumang impormasyon gayundin ng ulat kung nakaranas ng jamming sa kanilang komunikasyon ang militar na nakatalaga sa nasabing teritoryo.
Kasabay nito, tiniyak ni Lorenzana na gagamitin nila ang lahat ng resources ng bansa para makumpirma kung naglagay nga ng jammers ang China sa South China Sea at kung anong klaseng jamming device ito.
Gayunman sinabi ni Lorenzana na hindi rin nila mapipigilan ang China kung maglalagay ito ng jammers sa inaangkin nitong mga isla.
Unang lumabas sa Wall Street Journal ang ulat na naglagay ng jamming equipment ang China sa bahagi ng Feiry Cross at Mischief Reef batay na rin sa impormasyon mula sa US Department of Defense.
—-