Nahaharap sa asunto ang may anim na pribadong mga kumpaniya sa lungsod ng Maynila dahil sa kabiguan ng mga ito na magbayad ng tamang buwis.
Tinukoy ng BIR o Bureau of Internal Revenue ang mga naturang kumpanya na Mannasoft Technology Corp, Project-s Automotive Center, Maefer Gasoline Service, at C.M Recto Auto Supply.
Ayon sa BIR, aabot sa halos 200 milyong pisong buwis ang hindi nabayaran ng Mannasoft para sa taong 2010, habang halos tatlong milyong piso naman ang hindi nabayarang buwis ng Project-s para sa taong 2011.
Habang bigo rin ang Maefer na bayaran ang aabot sa 17 milyong pisong buwis para sa taong 2011 gayundin ang CM Recto Auto Supply na may halos tatlong milyong pisong tax liability para sa parehong taon.
Samantala, 72 patong ng kasong tax evasion ang isinampa laban sa B.R Chua Enterprises Inc. dahil sa kabiguan nitong magbayad ng buwis na nagkakahalaga ng halos 17 milyong piso.
Habang sinampahan naman ng kasong kriminal ang Merry-Sun Corporation makaraang makumpiskahan ito ng 32,000 pakete ng mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng halos 16 milyong piso.
(with report from Bert Mozo)