Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na buong pwersa ng gobyerno ang hahabol sa mga driver ng US-based ride-sharing app na Arcade City oras na bumiyahe ang mga ito sa kalsada.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, hayagang pagsuway sa inilabas nilang cease and desist order ang nakatakdang launching ng nasabing mobile app sa Lunes.
Iligal aniya ang operasyon ng Arcade City dahil walang prangkisa ang mga sasakyan nito.
Ayon kay Lizada, sama sama ang mga tauhan ng LTFRB , Land Transportation Office o LTO, Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at Highway Patrol Group o HPG na mag-bo-book sa Arcade City app sa Lunes at manghuhuli ng mga driver nito na bumibiyahe at i-iimpound ang kanilang mga sasakyan.
Susulat din aniya sila sa Department of Information and Communication Technology o DICT para ipa-shut down ang website ng Arcade City.
Maghahain din sila ng protesta sa US Embassy laban sa banyagang kumpanya.
—-