Nirerespeto ng abogado ng Australian nun na si Sister Patricia Fox ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaresto sa Bureau of Immigration (BI) ang naturang madre dahil sa pagiging undesirable alien nito.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, wala naman silang magagawa kung ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapaaresto kay Fox at tangi nilang maaaring gawin ay patunayang walang nagawang masama ang kanyang kliyente.
Mayroon naman aniyang karapatan ang BI na mag-isyu ng mission orders subalit dapat itong ipatupad ng maayos.
Iginiit ni Pahilga na hindi agad dapat inaresto ng BI si Sister Fox bagkus ay nagsagawa muna ng pagtatanong at imbestigasyon dahil bago arestuhin ay wala naman itong nagawang krimen.
Magugunitang inaresto at ikinulong subalit kalauna’y pinalaya ng mga Immigration personnel ang madre sa BI office sa Maynila dahil sa pagbatikos nito sa umano’y human rights violation ng Duterte administration.
—-