May papalit na sa nagpaalam na transport network company na Uber na magiging ka-kumpitensya ng Grab Philippines.
Ito ay matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang accreditation ng isa pang ride-hailing app na “Hype” na pag-aari ng Filipino company na Hype Transport Services Incorporated.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, tumatanggap na sila ng “certificate of accreditation” mula sa mga TNVS drivers na nais mag-apply sa “Hype”.
Sinabi naman ni Jen Silan, Chief Operating Officer ng “Hype”, maaaring mag-book ang mga pasahero kahit wala silang internet services.
I-text lamang aniya ang lugar ng kanilang pick- up point at destinasyon maging ang klase ng sasakyan na nais nilang gamitin.
Maliban sa Hype, sinasabing may aplikasyon rin sa LTFRB ang tatlong iba pang kumpanyang kabilang ang Owto, Lag Go at I-Para.
—-