Tinatayang nasa 5,000 pang mga undocumented Filipino workers ang nananatili pa rin sa Kuwait.
Ayon ito kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa kasunod ng pagtatapos ng alok na amnesty program ng pamahalaan ng Kuwait.
Sa panayam ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson kay Villa, sinabi ng ambassador na karamihan sa mga nasabing undocumented Filipino ay pawang mga tumakas sa kanilang employer at nakakuha ng mga part time jobs sa Kuwait.
Dagdag ni Villa, nagbabakasakali aniya ang mga nasabing Filipino na makakuha ng pagkakakitaan sa kabila ng malawakang crackdown ng gobyerno ng Kuwait laban sa mga undocumented na dayuhang manggagawa.
Sa isang hiwalay na panayam naman ni Uson kay Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, sinabi nito na umabot sa halos 4,500 mga undocumented Filipino workers ang kanilang napauwi sa Pilipinas sa ilalim ng amnesty.
Dagdag ni Arriola, mahigit sa tatlong batch pa ng mga Filipino workers ang darating sa bansa ngayong araw hanggang bukas.