Inaresto na ng mga otoridad sa Kuwait ang dalawang pilipinong tumulong umano na makatakas ang mga distressed Filipino workers sa naturang bansa.
Batay sa ulat ng state-run na KUNA News Agency, ikinulong ng mga pulis ang dalawang pinoy matapos umanong hikayatin ang mga babaeng kasambahay para tumakas sa kanilang mga amo.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Deputy Administrator Arnell Ignacio na may batas ng Kuwait na nilabag ang mga ikinulong na pinoy.
Ayon kay Ignacio hindi na dapat inilabas pa sa social media ng mga nag-rescue ang video sa kanilang ginawang pagsagip sa mga pinay.
Paliwanag ni Ignacio ito’y dahil isa nang paglabag sa batas ang kanilang operasyon ngunit tahasang ipinakita pa nila ang ginawang paglabag sa pamamagitan ng pag-post ng video na maaaring maituring na pang iinsulto o pagyurak sa gobyerno ng Kuwait.
Ikinababahala ngayon ni Ignacio na makaapekto ang naturang insidente sa kasalukuyang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kaugnay sa proteksyon ng mga OFW sa kanilang bansa.