Nagsagawa ng final check ang mga government official, dalawang araw bago ang nakatakdang temporary shutdown ng isla ng Boracay, sa Aklan upang matiyak na “all systems go” na ang lahat para sa anim na buwang shutdown.
Isinagawa ang final checking ng Western Visayas Police Regional Office at Metro Boracay Police Task Force at tinukoy ang mga magiging entry at exit points ng isla sa mainland Panay.
Ayon kay Western Visayas Police Regional Office Director, Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, tanging ang Cagban port na nakaharap sa Caticlan sa bayan ng Malay, Aklan entry at exit point na bukas araw-araw simula ala sais ng umaga hanggang alas diyes ng gabi.
Isasara aniya ang 15 pang access points gaya ng Cargo Port, West Cove, New Coast Cove, Puka beach at Bil-at beach.
Nagtayo naman ang ilang government agencies ng help desks sa Caticlan port upang dinggin ang mga hinaing ng mga residente at manggagawa mula sa Boracay.
Worker terminal pass, naipamahagi na
Ipinamamahagi na sa mga nagta-trabaho sa isla ng Boracay ang worker terminal pass, dalawang araw bago ang temporary shutdown ng isla.
Kailangan ang working terminal pass lalo ng mga empleyadong hindi residente ng isla para makapasok habang sarado sa mga turista ang boracay sa loob ng anim na buwan.
Nilinaw naman ng local government ng Malay, Aklan na walang bayad ang pagkuha ng pass at kailangan lamang ng government o company ID at certification mula sa pinag-ta-trabahuhang kumpanya.
Namahagi na rin ng transportation assistance o pamasahe ang department of social welfare and development sa mga trabahador na hindi residente ng Boracay upang magsibalik sa kani-kanilang lalawigan.
DILG, beberipikahin na ang mga ulat ng di umano’y ‘overpriced’ ID para sa mga hindi residente ng Boracay
Beberipikahin ng Department of Interior and Local Government ang mga ulat na ibinebenta umano sa napakamahal na presyo ang mga identification card sa mga hindi residente ng isla ng Boracay.
Ayon kay Police Regional Office 6 Director, Chief Supt. Cesar Binag, batay sa intel reports, 150 pesos lamang ang dapat bayaran ng mga residente para sa barangay clearance, 50 pesos para sa cedula at 300 pesos para sa barangay id.
Kabuuan aniyang 500 pesos ang babayaran sa halip na 1,000 pesos para sa ID.
Magugunitang inakusahan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga barangay official sa Boracay ng pangingikil sa pamamagitan ng overpriced ID system.