(Updated)
Pinaaalis na sa bansa ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Binigyan ng Bureau of Immigration o BI ng tatlumpung araw si Fox para umalis ng bansa kasunod ng pagkansela sa kanyang missionary visa.
Ang kanselasyon ng missionary visa ni Fox ay alinsunod sa desisyon ng tatlo kataong panel na pinamunuan ni Immigration Commissioneer Jaime Morente.
Ibinase di umano ang desisyon ng BI sa Section 9 ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga missionaries na makisangkot sa political activities.
Ang missionary visa ni Sister Fox ay may bisa pa sana hanggang sa September 5 ng taong ito.
Una rito, mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpaaresto kay Sister Fox dahil sa di umano’y pakikilahok nito sa mga rally.
Halos tatlumpung (30) taon na ring nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa, magsasaka at mga estudyante sa Pilipinas si Sister Fox.
Sister Fox’s camp
Kukuwestyonin ng kampo ni Australian missionary Sister Patricia Fox ang desisyon ng Bureau of Immigration na kanselahin ang missionary visa ng madre at paalisin na ito sa bansa.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abogado ni Sister Fox, malinaw na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang BI dahil sa hindi pagsunod sa April 17 order ni Immigration Commissioner Jaime Morente na magsumite ng counter affidavit si Sister Fox para sa kanyang deportation case.
Sinabi ni Pahilga na sa ngayon ay maghahain muna sila ng motion for reconsideration sa kanselasyon ng missionary visa ni Sister Fox at magsusumite pa rin ng counter affidavit sa deportation case bago mag-Mayo 3.
Hihilingin rin aniya nila sa BI na magkaroon ng full blown trial at hearing sa deportation ni Sister Fox dahil karapatan naman ng akusado ang marinig ang kanyang panig.
Sakali aniyang hindi sila pagbigyan ng BI ay idudulog na nila ito sa Korte Suprema.
Photo Credit: CNN PH