Tumutulong na ang Technical Education and Skills Development Authority-Region 6 sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa temporary shutdown ng isla ng Boracay, Aklan.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng training opportunities upang makahanap ang mga apektadong manggagawa ng alternatibong trabaho o dagdagan ang kanilang skills.
Ayon kay Aklan Provincial Director Joel Villagracia, target ng TESDA-6 na punan ang 5,500 slots para sa training scholarships sa loob ng anim na buwan.
Simula kahapon hanggang Hunyo ay magkakaloob anya ang TESDA 1,500 training slots at 2,000 slots sa Hulyo at 2,000 sa Agosto.
Ipinunto ni Villagracia na bukod sa paghahanap ng ibang trabaho, makatutulong ang alternative skills training upang makapaghanda ang mga manggagawa para sa muling pagbubukas ng isla.