Tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang nakababatid ng dahilan kung bakit muling itinalaga nito si dating SSS Commissioner Pompi Laviña bilang undersecretary ng Department of Tourism.
Iyan ang paliwanag ng Malakaniyang matapos na umani ng samu’t-saring reaksyon mula sa publiko ang pagbabalik serbisyo ni La Viña sa gubyerno makaraang masibak ito dahil umano sa katiwalian.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, prerogatiba ng Pangulo ang magtalaga ng mga tauhan nito sa gubyerno sa ilalim ng umiiral na batas ng Pilipinas.
Magugunitang hindi na na-renew ang kontrata ni La Viña sa Social Security System nuong Hunyo ng nakalipas na taon dahil nasangkot ang pangalan nito sa katiwaliang hindi naman natukoy ang partikular.