Maituturing na lantarang paglabag sa rule of law at due process ang gagawing paglalabas sa publiko ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa illegal drugs trade.
Iyan ang ikinababahala ngayon ng grupong Human Rights Watch makaraang i-anunsyo ni Philippine Drug Enforcement Agency Dir/Gen. Aaron Aquino na ilalabas nila sa Lunes, Abril 30 ang naturang Narco-list.
Ayon kay Carlos Conde, researcher ng HRW – Asian Division, posibleng maulit lamang aniya ang mga insidente ng patayan kaugnay ng droga sakaling maisapubliko na ang listahan tulad ng nangyari nuong nakalipas na taon.
Batay sa talaan ng Department of Interior and Local Government, papalo sa 9,000 mga kapitan ang sangkot umano sa iligal na droga taliwas sa talaan ng PDEA na nasa 200 lamang.
Magugunitang tinutulan na ito ng Commission on Human Rights subalit kapwa iginiit ng PDEA at DILG na napapanahon na upang malaman ng mga Pilipino na sangkot ang kanilang mga pinuno sa iligal na droga upang hindi na ito mahalal pang muli sa darating na halalan sa Mayo 14.