Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang may dalawandaan at animnapung libong (260,000) mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kuwait na umuwi na lamang sa Pilipinas.
Ito’y makaraang magkalamat ang relasyon ng dalawang bansa dahil sa ginawang pagsagip ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa mga Pilipinong inaabuso ng kanilang amo sa naturang bansa.
Sa kaniyang pagharap sa Filipino community sa Singapore, sinabi ng Pangulo na marami naman aniyang trabaho sa Pilipinas na maaaring ibigay sa mga OFW.
“Kayong mga andiyan lahat sa Kuwait, for those who are not really household helpers, I now appeal to your sense of patriotism, come home, umuwi na lang kayo sa Pilipinas tutal marami nang trabaho, marami na talagang trabaho ngayon, in two years time, makikita na niyo ang inaasahan ninyo, above anything else, we send abroad not slaves but human beings.” Ani Pangulong Duterte
Ipinaliwanag din ng Pangulo na hindi naman siya naghihinanakit sa Kuwait dahil sa ginawa nilang pagpapalayas kay Philippine Ambassador Renato Pedro Villa at nagpasalamat din ito sa Kuwaiti government sa pagbibigay nito ng oportunidad sa mga Pilipino.
Pero ayon sa Pangulo, ayaw na niyang palalain pa ang sitwasyon sa pagitan ng dalawang bansa kaya’t gumagawa siya ng hakbang para hindi na malagay pa sa alanganin ang kalagayan ng mga kababayang nagtatrabaho roon.
Deployment ban
Mananatili ang ipinatutupad na deployment ban sa mga manggagawang Filipino sa Kuwait partikular sa mga household workers.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna na rin ng posibilidad na hindi na malagdaan ang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Kasunod naman ito ng gusot sa pagitan ng dalawang bansa matapos hindi magustuhan ng Kuwait ang paraan ng pagsagip ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa dalawang OFW doon.
“This ban stays permanently, there will be no more recruitment especially domestic helpers, wala na. China is also getting some 1,000 teachers, we will give them preference, unahin muna natin ‘yun, I will be going to communicate with my friend how they can help us but they estimate that within five years we will be sending something like 100,000 English teachers.” Pahayag ng Pangulong Duterte
By Krista De Dios