Pinalagan ng ilang mga opisyal ng barangay ang kanilang pagkakabilang sa ‘narco-list’ gayundin sa listahan ng mga hindi bumuo ng Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC.
Ayon kay Kapitan Marcelino Ortega ng Barangay 199 sa Tondo hindi niya maintindihan kung paano siyang nasama gayung isa siya sa mga nagpasuko ng mga drug addict at pusher sa kanilang lugar.
Sa katunayan pa aniya ay tumetestigo pa siya para lamang maipakulong ang mga ayaw tumigil sa pagtutulak ng iligal na droga.
Pinatunayan naman ni Chairwoman Ruby Perez ng Barangay 471 sa Sampaloc sa pamamagitan ng ilang mga dokumento na noong isang taon pa naka-activate ang kanilang BADAC.
Giit pa ni Perez, isa sa mga ikinukunsiderang gawing model ang nasasakupang barangay na drug free.
Samantala, may ilang nilinaw ang DILG-Bicol kaugnay sa ilang barangay officials na kabilang sa ‘narco-list’.
Ayon sa naturang kagawaran dalawa sa nasa listahan ay nakakulong na habang mayroon din umano na mali ang spelling ng pangalan.
Commission on Human Rights
Binatikos ng Commission on Human Rights o CHR ang pagsasapubliko ng PDEA ng mga barangay officials na kabilang sa ‘narco-list’.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, maituturing lamang itong isang pamamahiya sa mga naturang opisyal ng barangay.
Paliwanag ni De Guia wala pang nakasampang kaso laban sa mga ito sa korte kung saan maaari sanang magkaroon dito ng pagkakataon ang mga nakasama sa ‘narco-list’ na idipensa ang kanilang sarili.
Dagdag ni De Guia, huwag sanang ipagkait sa kanila ang due process.
Bagaman una nang sinabi ng PDEA na nasa proseso na sila ng paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa mga nasa listahan, giit ni De Guia wala pa rin itong saysay kung hindi pa naisasampa pero naisapubliko na.
Dahil hindi umano nagkaroon ng case build up kaya lalabas na tuloy pa rin ang problema sa iligal na droga.
—-