Muling bubuhayin ng Makabayan Bloc sa Kamara ang panukalang batas na magpapawalang bisa sa ipinasang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN.
Ito’y ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ay dahil sa lumatay agad ito sa publiko kahit ilang buwan pa lamang mula nang ganap na itong maipatupad.
Nagresulta rin aniya sa malawakang kawalan ng trabaho ang pagpapatupad ng TRAIN partikular na sa mga kumpaniya ng softdrinks gayundin aniya sa pagsipa ng presyo sa mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, lalong walang naiuwi aniya ang mga manggagawa dahil nabalewala lamang ang tax exemption sa mga minimum wage earners kaya’t kinakailangan na ng aksyon mula sa kamara bago pa man magdulot ito ng mas malalang epekto.
Magugunitang naghain din ng petisyon sa Korte Suprema ang Makabayan Bloc sa kamara para hilingin ang pagpapalabas ng temporary restraining order o TRO para ipatigil pansamantala ang pagpapatupad ng TRAIN habang ito’y isinasailalim sa pagrepaso.
—-