Nagpaliwanag ang Department of Labor and Employment o DOLE hinggil sa pinirmahang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatapos sa endo kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa kahapon.
Ito ay matapos na hindi masiyahan ang iba’t ibang labor groups sa naturang EO ng Pangulo.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi nila maaaring pagbigyan ang nais ng mga labor groups na gawing regular ang lahat ng mga empleyado sa bansa.
Sinabi ni Bello na may exception ang EO partikular sa mga seasonal workers at project based workers.
“Lahat ng sales clerk ng mga mall regular ‘yan pero may mga panahon na kailangan mo ng additional halimbawa kapag Christmas season, siyempre marami ang customers kaya nagdagdag ka pero pagkatapos ng season ay hindi mo naman puwedeng i-retain sila kaya pinapahintulutan ng EO na ito na puwedeng i-outsource ang mga sales clerk na gagamitin lamang sa season na ‘yan, meron pang project-based, pagkatapos alangan namang i-retain mo pa sila eh tapos na ‘yung project.” Ani Bello
Kasaby nito, itinanggi ni Bello na nillikha ang naturang EO na pabor lamang sa mga employer at hindi sa mga manggagawa.
Nanindigan ang kalihim na ibinatay ang naturang EO sa konsultasyong ginawa nito sa mga grupo ng mga manggagawa.
“Ang EO na ‘yan ay nag-umpisa naman sa kanila, ang draft na ‘yan galing naman sa kanila, syempre kapag may nagbigay sayo ng draft hindi mo naman puwedeng tanggapin ng buong-buo, kailangan i-improve mo rin, i-revise para mapagbigyan ang lahat ng sektor, hindi lang labor groups kailangan mapagbigyan din ang management.” Dagdag ni Bello
Sa kabila nito, inihayag ni Bello na bukas siyang makipag-usap at pakinggan muli ang hinaing ng mga labor group.
“’Yung mga nagpoprotesta sa harap ng aming tanggapan, nagmumura sila pero kahit papano hinaharap ko ‘yan, pinapaakyat ko at nag-mi-meeting kami, we have to listen to them, hindi naman puwedeng magbingi-bingihan tayo sa kanilang mga pangangailangan, kung kaya nating pagbigyan ay bakit hindi, kung sang-ayon sa batas, bakit hindi, ang importante is continuous dialogue, ‘yung both sector, hindi lang ang mga manggagawa kundi pati ang mga employer.” Paliwanag ni Bello
(Balitang Todong Lakas Interview)