Pumalo na sa mahigit isa’t kalahating milyon ang dumagsa sa ginanap na Worldwide Walk to Fight Poverty ng Iglesia ni Cristo o INC kaninang umaga.
Ayon kay Manila Police District o MPD spokesperson Police Superintendent Erwin Margarejo, simula kaninang umaga hanggang sa kasalukuyan ay wala silang naitalang “untoward incidents”
Patuloy pa aniya ang pagdagsa ng mga tao sa may bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila kung saan ginanap ang nasabing aktibidad.
Sa katunayan, nakuha na ng Iglesia ni Cristo ang isang bagong Guinness world record for Largest Human Sentence ayon sa INC-run news network na Eagle News.
“You are officially amazing,” iyan ang ipinabatid ni Paulina Sapinska, Guinness Adjudicator.
Bukod dito, target din ng INC na masungkit ang iba pang world record sa Guinness kabilang na ang “Largest Picture Mosaic Formed by People”; “Largest Charity Walk Across Multiple Venues”; at “Most Nationalities in a Charity Walk”.
Kabilang sa mga personalidad na dumalo sa aktibidad ay sina Special Assistant to the President Bong Go, Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar, at Senador JV Ejercito.
Kasabay nito, tiniyak ng MPD na nakaalerto ang mahigit tatlong libo nilang mga tauhan na ipinakalat sa lugar, para matiyak ang seguridad ng mga tao doon.
TINGNAN: Walk to Fight Poverty ng Iglesia ni Cristo, umarangkada na | (Photos: INC News and Updates) pic.twitter.com/KwPPoLDcC3
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) May 6, 2018