Sinalakay ng mga awtoridad ang isang kumpaniya na nag-a-apply ng mga credit card gamit ang mga pekeng pangalan at address sa North Fairview, Quezon City.
Ayon sa PNP-Anti-Cybercrime Group ginagamit umano ng naturang kumpaniya ang mga pangalan at address ng kanilang mga umano’y empleyado sa mga bangko para makakuha ng credit card.
Sinasagad umano ng mga ito ang credit limit ng mga nakukuha nilang credit cards subalit walang ibinabayad ang mga ito matapos na magamit sa kani-kanilang mga transaksyon.
Batay sa pahayag ng kumpaniyang ECG, sila na rin umano ang gumagawa ng employment certificate, payslip, employment record gayundin ang income tax return o ITR ng mga umano’y empleyado para isumite sa mga bangko.
Ngunit nadiskubre ng mga bangko na peke pala ang mga ibinigay na impormasyon ng kumpaniya noong dumating na ang panahon ng bayaran para sa mga kinuhang credit card nito.
Dahil dito, ikinakasa na ng mga awtoridad ang isasampa nilang kaso laban sa mga nagpapatakbo ng kumpaniyang ECG na namemeke ng impormasyon.
—-