Pinag-aaralan na ng grupo ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano ang panibagong paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Alejano, ang kanilang magiging batayan sa paghahain nito ay ang labis na pagpapabaya ni Pangulong Duterte hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.
Giit ni Alejano, maituturing na isang “treason” ang kawalan ng aksyon dito ng Pangulo kahit tila may banta na ng pananakop ng China sa naturang isla.
Magugunitang noong nakaraang taon ay nabasura ang inihaing impeachment complaint ni Alejano laban sa Pangulo kaugnay sa serye ng patayan sa gitna ng kampanya kontra iligal na droga at sa mga umano’y hindi deklaradong yaman ng Pangulo.
Samantala, minaliit lang ng Malacañang ang plano ng grupo ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano na magsampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala siyang nakikitang legal na basehan sa reklamo ni Alejano.
Inalala pa ni Roque ang noo’y pagkakabasura ng impeachment complaint na inihain din ng kongresista.
Gayunman sinabi ni Roque na karapatan ito ni Alejano kahit ilang beses pa niya ipa-impeach ang Pangulo.
Ngunit payo ni Roque dapat ang hinahabol ni Alejano ay ang mga kakampi nito nuong nakalipas na administrasyon na walang ginawa habang itinatayo ang mga artificial islands sa naturang teritoryo.
—-