Mistulang nag-Hara-Kiri o nagpatiwakal ang mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa kanilang pagpapatalsik sa pwesto kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng botong 8-6 pabor sa Quo Warranto petition.
Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, nilapastangan ng mayorya ng mga mahistrado ng Supreme Court ang independence o kalayaan ng hudikatura at probisyon ng konstitusyon.
Isa rin anyang lantarang paglabag sa batas ang ginawa ng walong Associate Justices dahil tanging sa pamamagitan ng impeachment maaaring patalsikin ang punong mahistrado at hindi sa Quo Warranto proceedings.
Ipinunto ni Lagman na dapat ay maghain pa ng Motion for Reconsideration ang kampo ni Sereno dahil dikit ang resulta ng botohan.
Binigyang diin ng Kongresista na walang hurisdiksyon ang Supreme Court sa Quo Warranto case alinsunod sa konstitusyon at sa halip ay nirespeto na lamang ang impeachment proceedings ng Kongreso.