Tiniyak sa delegasyon ng Pilipinas na maaari nang makalaya ang tatlong diplomat na una inisyuhan ng arrest warrant dahil sa kontrobersiyal na ikinasang rescue operation sa Kuwait.
Nagbigay garantiya ang tanggapan ng Deputy Foreign Minister ng Kuwait na maaari nang makaalis sa labas ng embahada ang tatlong diplomat.
Ito ang ibinunyag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kasunod ng pulong nila ni Labor Secretary Silvestre Bello kay Kuwaiti Deputy Foreign Minister Al Khaled Sulaiman Al-Jarallah.
Ayon kay Roque, inaayos na ng Interior Ministry ang pagpapalaya sa tatlong diplomat na inaasahan sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Ang tatlong diplomat ay una nang napaulat na hindi makalabas sa Philippine Embassy sa Kuwait matapos sampahan umano ng kasong kidnapping dahil sa pag-rescue sa ilang distressed OFW na nag-viral pa ang video sa social media.