Nakatakdang irekomenda ni Department of Labor and Employment o DOLE Secretary Silvestre Bello III ang partial lifting ng deployment ban sa Kuwait.
Ito’y ayon kay Bello makaraang magbalik normal nang muli ang relasyon ng dalawang bansa nang ganap nang maselyuhan ang memorandum of understanding o MOU na magbibigay proteksyon sa mga OFW o Overseas Filipino Workers sa nasabing bansa.
Magugunitang sabay na umuwi sa bansa kahapon sina Bello at Presidential Spokesman Harry Roque kasama ang may 87 distressed OFW, madaling araw kahapon.
Gayunman, nilinaw ni Roque na ang partial lifting ng deployment ban ay para lamang sa mga skilled at professional workers habang pag-aaralan pa kung tatanggalin na rin ang ban sa pagpapadala ng mga household service workers.
Subalit batay sa ulat ng ilang pahayagan, inihayag umano ni Presidential Spokesman Harry Roque na lifted na ang ban para sa pagpapadala ng mga skilled at professional workers sa bansang Kuwait.
Batay sa talaan ng DOLE, 60 porsyento ng humigit kumulang 260,000 documented OFWs sa Kuwait ay pawang mga household service workers sa nabanggit na bansa.
Magugunitang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi sa kaniyang pagbisita sa Marawi noong Biyernes na pabor siyang tanggalin ang deployment ban sa Kuwait basta’t masusunod lahat ng inilatag nilang kondisyon.
—-