Inihain sa Kongreso ng magkapatid na sina Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles at PBA Partylist Rep. Jericho Nograles ang panukalang batas na layuning gawing regular na government employee ang mga barangay official.
Sa ilalim ng House Bill 7393 o magna carta for barangays, bibigyan ng regular na sahod, allowances, insurance, medical and dental coverage, retirement benefits at iba pang benepisyo ang mga barangay official gaya ng natatanggap ng mga regular government employee.
Isinulong din sa naturang panukala na ipantay ang sweldo ng punong barangay sa isang municipal councilor habang ang sangguniang barangay members ay dapat tumanggap ng 80 percent ng nasabing halaga.
Samantala, dapat namang tumanggap ng 75 percent ng sahod ng isang municipal councilor ang sangguniang kabataan chairman, barangay secretary at treasurer.
Layunin din sa bill na gawing awtomatiko ang pag-release sa share ng barangay sa national taxes tulad ng 25-percent share sa real property tax na kinokolekta sa kani-kanilang lugar.