Nagpatupad na ng partial lifting ng deployment ban ang gobyerno ng Pilipinas para sa mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.
Sa isinagawang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inalis na ang umiiral na ban sa mga skilled at semi-skilled workers sa nasabing bansa.
Dahil dito, inaasahang libu-libong mga Pinoy worker ang agad na maide-deploy sa Kuwait.
Ayon kay Roque bunga ito ng nilagdaang memorandum of understanding o MOU sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW noong nakaraang Biyernes.
Ilan sa mga probisyong nakapaloob sa nasabing kasunduan ay ang sa pagkain, bahay, kasuotan, health insurance, gayundin ang paggamit ng cellphones ng mga OFW para hindi maputol ang kanilang komunikasyon sa mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.
Gayunman sinabi ni Roque na tanging mga skilled at semi-skilled workers ang papayagang makapagtrabaho sa Kuwait, sa ngayon ay hindi pa aniya masabi kung kailan tuluyang aalisin ang deployment ban sa pangkalahatan kasama na ang para sa mga Pinoy household workers.
Matatandaang nitong Pebrero ay ipinatupad ng Pangulong Duterte ang deployment ban sa mga ‘newly-hired’ OFWs na tungong Kuwait matapos ang kaso ng pagpatay sa Pinay household worker na si Joanna Demafelis na natagpuan ang labi sa loob ng isang freezer sa apartment ng kanyang mga amo.
—AR