Pag-aaralan pa ng Department of Labor and Employment o DOLE kung magiging epektibo ang pagpapatupad ng nilagdaang MOU o memorandum of understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kanilang gagamiting batayan para tuluyan nang alisin ang deployment ban sa Kuwait kabilang ang pagpapadala ng mga household service workers.
Ayon kay Bello, maituturing na matagumpay ang kanilang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Kuwait lalo’t wala aniyang tinanggihan ang mga ito sa inilatag na kondisyon ng Pilipinas na nakapaloob naman sa nilagdaang MOU.
Kabilang aniya rito ang pagkakaroon ng isang araw na day off kada linggo, sapat na oras ng tulog at hindi na pagkumpiska ng mga employer sa cellphone ng mga Filipino house workers.
Dagdag pa ni Bello, bubuo rin ng joint committee ang Pilipinas at Kuwait na siyang regular na titingin sa kalagayan ng mga Filipino household workers sa nasabing bansa.
“Merong nakalagay sa MOU na mag-create ng joint committee that will periodically assess the situation of our workers, dadalawin nila, kukumustahin, at ang cellphones nga ting household workers ay hindi na puwedeng kunin ng mga employer, dapat hawak nila ‘yun, way din nila ‘yun para maiparating ang kanilang mga hinaing.” Pahayag ni Bello
Balitang Todong Lakas Interview