Pinapawalang-bisa ng opposition senators sa Korte Suprema ang withdrawal ng bansa sa ratification ng Rome Statute na siyang bumuo ng International Criminal Court o ICC.
Kabilang sa mga senador na naghain ng petisyon ay sina Francis Escudero, Franklin Drilon, Bam Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV.
Sa inihaing Petition for Certiorari at Mandamus, tinukoy ng mga senador na hindi valid ang pagkalas ng bansa sa Rome Statute dahil hindi ito dumaan sa Senado.
Binigyang diin ng mga senador na anumang ratipikasyon sa mga kasunduan ay kinakailangan na 2/3 ng mga miyembro ng Senado.
Matatandaang noong Marso ay inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na binabawi na ng Pilipinas ang ratification o pagpapatibay nito sa Rome Statute kasunod na rin ng pahayag ng ICC na iniimbestigahan na nito ang mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs.
Samantala, naniniwala ang Malacañang na hindi papaburan ng Korte Suprema ang naging petisyon ng ilang senador na humihiling na ipawalang-bisa ang pagbawi ng bansa sa kasunduan sa Rome Statute na bumuo sa International Criminal Court.
Naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na walang anumang legal basis ang Petition for Certiorari and Mandamus na inihain ng minority senators sa SC.
Nanindigan si Roque na ang Pangulo pa rin ang siyang pangunahing arkitekto ng mga foreign policy at hindi ito usapin na maaring talakayin sa pamamagitan ng certiorari o review ng higher court.
—-