Walang namo-monitor na anumang bantang panseguridad ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa panahon ng Ramadan.
Ito ay sa harap ng mga nangyaring serye ng pagsabog sa Indonesia.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Edgar Arevalo, hindi nila iniaalis ang posibilidad na may mga indibiduwal o grupo ang posibleng maghasik ng karahasan para guluhin ang taimtim na pag-obserba ng Ramadan.
Sa kabila nito, tiniyak ng AFP sa publiko na hindi sila tumitigil sa pagsasagawa ng military operations para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino.
Una rito, nagpahayag ng pakikiisa ang AFP sa mga kapatid na Muslim sa bansa at sa buong daigdig kaugnay ng pagdiriwang ng banal na buwan ng Ramadan.
Inihayag ni Arevalo na nawa’y magsilbing paalala ang isang buwang pagninilay at pagdarasal sa kahalagahan ng kapayapaan, pagmamahal at pakikipag-kapwa tao.
Kasabay nito, tiniyak din ng Philippine National Police o PNP ang peace and order sa paggunita ng Ramadan.
Kasabay nito nanawagan si PNP Spokesman Chief Superintendent John Bulalacao sa mga kapatid nating Muslim na maging mapagmatyag sa panahong ito upang hindi makapagsamantala ang mga may masamang balakin.
Hinikayat din ni Bulalacao ang publiko na i-ulat sa mga awtoridad ang anumang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang kapaligiran.
—-