Isang Pinoy nurse ang sinaksak habang naka-duty sa isang pribadong ospital na pinagtatrabahuhan nito sa lungsod ng Madinah.
Kinilala ang biktima na si Rolando Mina, tubong Caloocan City na nagtamo ng apat na saksak sa magkabilang braso.
Batay sa mga unang report, posibleng nagalit ang suspek sa Pinoy nurse matapos na hindi siya bigyan ng gamot.
Sa ipinalabas naman na pahayag ni Philippine Consul General in Jeddah Edgar Badajos, tiniyak nito na ligtas na mula sa kapahamakan si Mina at nagpapagaling na lamang sa ICU.
Agad din aniyang naaresto ang suspek ilang oras lamang matapos ang pananaksak at patuloy na rin ang imbestigasyon sa insidente.
Dagdag pa ni Badajos, kanila lamang itinuturing na isolated case ang pangyayari dahil wala naman aniyang napapabalitang pag-atake sa mga medical workers sa Saudi Arabia.